Archive for April, 2008

Never had i ever said that i want to be a good person…

Si Mama.
Sinisigaw na naman nya ang pangalan ko.
Naglalaro lang naman ako.
Pero bigla nya akong tinawag.
Pinagtatawanan tuloy ako ng mga kalaro ko.
Magsaing na daw ako, sinagot ko kasi sila na ‘maaga pa naman ah’,
Hindi ko alam, ‘joke’ lang pala yun. Kinukutya.

Gusto ko sanang magtago. O magtuloy sa paglalaro.
Pero palakas ng palakas ang tawag niya.
Mabuting umuwi na lang ako, baka magalit si Mama.


Never had i ever said that i can outdo or even do exactly what you expect of me…

‘Nasaan na yung pinapabili ko sa ‘yong gaas?’

Tinanong agad ako ni mama kahit mga dalawampung hakbang pa ang lalakarin ko.

‘Anu? Sumagot ka?’

Napalingon tuloy ako, baka kasi may nakakakita sa pambubulyaw ng Mama ko.

‘Oo, ikaw ang kausap ko, anu pa’t palinga-linga ka pa!!!’

Napabilis tuloy ako ng lakad. Pumasok kasi siya na parang may kukuhain. Alam ko na kung ano iyon. Madalas niyang kuhain iyon kapag namumula ang tenga niya. Parang nakakapanlamig ng tenga niya ‘yon kapag ginagamit nya sa akin iyon.

‘Halika ditong peste ka, magluluto ako’y ndi ako makapag simula at wala akong pangluto!!!’

Hawak ko na ang gate ng makita ko siyang may hawak hawak na walis. Nakabalot ito ng straw na blue at parang nakakalbo na din. Iniisip ko tuloy kung dahil ba sa madalas kong pagwawalis o dahil lang sa madalas na pagpula ng tenga ni mama kaya’t nakakalbo na ito.

‘Putang-ina mong bata ka! Ang bagal bagal mo, halika dito’t nang magtanda kang sumunod sa akin. Pinabibili kita eh naglalaro ka na lang pala’.

Hinila na ni Mama ang kamay ko, may sasabihin sana ako kaso lang mas naunang umimpit ang sakit sa bibig ko sa halip na ang gusto ko sanang sabihin.

"Napakatamad mo talagang bata ka! Hindi ko talaga alam kung bakit pa kita pinag-aaral, wala naman akong pakinabang sayo!’

Tamad. Hindi dapat pag aralin. Walang pakinabang.
Ganun yata talaga ako.

But yes, I have always intended to follow your rules…

May naalala tuloy ako.

Isang umaga, nagpaalam akong papasok na sa eskuwela.
Bumangon siya at nagtingin tingin sa paligid. Pinagalitan niya ako at sinabing hindi man lamang ako maglinis ng bahay bago pumasok sa eskuwela. Nung mga bata pa daw sila, nalilinis pa daw niya ang buo nilang bakuran, nakapagbebenta ng pambili ng agahan at nakapagluluto pa ng agahan bago pumasok.

Pinilit niya akong maglinis muna ng bahay bago pumasok. Nalate tuloy ako. Pero ayos na din siguro yon. At least, hindi magagalit si Mama. Mula noon, hindi na ako pumapasok ng bahay hanggat hindi nakapagluluto ng agahan o nakapaglilinis ng bakuran.

But when was the last time that i told you, ‘I have done something else?’ I may never remember. Or maybe, Im too scared to even remember that what I did is actually of you and not of fear.

‘Asaan na yung pambili ng gas? Siguro ipinambili mo na nang kung anu anu no? Walanghiya ka talagang bata ka!’

Papunta sana ako sa ilalim ng paminggalan upang abutin ang gaas na kanina ko pa binili. Naalala ko pa nang iutos niyang itago ko ito doon nang hindi maabot ng bunso kong kapatid. Pero…

‘Saan ka pupunta? Gago ka talaga ‘no? Bastos kang bata ka, kinakausap pa kita ha.’

Bigla niyang iniangat ang hawak hawak nitong walis, mas mapula na ang tenga niya ngayon. Sa tantiya ko, kung iwawasiwas niya ang walis ay una itong tatama sa aking uluhan. Hindi ko alam kung saan ko iyon nahugot, pero mamiyok miyok kong sinabing:

‘kukunin ko po yung biniling gas’, pagkatapos ay pumikit.

Pag dilat ko, inikot ko agad ang aking paningin. Naghahanap ako ng ulap. O ng lawa. May aawit kayang anghel? O may uungol na isang demonyo?

Nahimasmasan ako at naisip kong, buhay pa ako.

Tutuloy ko na ang pagkuha sa gaas, nang sa gayo’y maniwala siyang nakabili na nga ako.


Am I your son? or the realization of the comfort of your dream?

‘Kanina pa kita tinatanong kung nasan yan, hindi ka sumasagot. O siya, Ikaw na ang magluto ng pagkakainan natin, nung bata pa kami, mas may oras pa akong pagsilbihan ang magulang ko kesa sa maglaro. Akala ko ngayong may anak na ako, giginhawa na ang buhay ko.’

Parang hindi ko na narinig ang mga sinasabi niya, kinuha ko ang sisidlan at iniabot ito sa kanya.

‘Anu ba? Nang aasar ka ba? Sinabi kong ikaw na ang magluto!’

I may never know of what you are made of that put you into making me.

Itinaas niya ulit ang walis. Hahampasin na niya talaga ako.
Noon ako nahimasmasan, pero huli na. Papadikit na ang walis sa aking tenga.
Natumba ako. Nabitawan ang sisidlan ng gaas at nasiko ang kandilang may sindi na kanina pa inihanda sana ni Mama.

Noon ko nalamang maliksi pala si Mama. Agad niyang kinuha ang sisidlan at inilayo, inilapag niya ito sa kanyang likuran nang sa gayon ay mahila niya akong agad mula sa natumbang kandila.

Pero mas mabilis ang apoy.

Mas mabango ang gaas na nabuhos sa aking manggas.

Mas maaabot niya ito.

Nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya. Takot. Isang inang natatakot para sa anak. Kailan ko ba ito huling nakita? Nang magdeliryo sa lagnat si bunso? Nang maospital si Itay nang ma-holdap? Nang malamang ginahasa si ate? o nang makabuntis si kuya?

Sa parte ko, dito ko nakita ang mukha ng diyos nang natatakot.

Yinakap niya ako at pinagpagan ang ningas sa mag aabo ko palang na damit.

But when the time comes, that I have to choose over myself and you, I will rather choose you…

Pero mas mahapdi ang paso kaysa sa nahuli na niyang pagpapakitang-aruga. At sa oras na iyo’y mas malakas ako sa kanya. Naitulak ko siya. At tuluyan
siyang napahiga sa sahig. Sa kanyang likuran ay kumalat ang naghalu halong…

bubog…

gaas…

at dugo…

Bagamat masakit ang aking balat, alam ko ang nagkalat na iyon. Napatid ako kay Mama. At ang nag kaunti na sanang ningas ay tuluyang nagliyab. Pumailalim sa likuran ni Mama. Agad pa siyang tumayo. Nahihilo. Sa takot, lumayo ako sa kanya. Ang pagtayo ni Mama ay lalo pang nagpabango sa naamoy ng liyab na gaas. At ang bangong iyon ay nagmumula sa basang basa na niyang likuran. Napapasigaw si Mama sa init. Mas mahapdi marahil ang mapaso sa likod kaysa sa braso, naisip ko. Napatulala ako. Napupuno ako ng takot.


Because, as what i have always believe, if you’ll be on my position, you will do the same…

Nagmamakaawa si Mama. Tumawag daw ako ng tulong. Tulungan ko daw siya. Buhusan ko daw siya ng tubig. Bilisan ko daw. Lalo akong nataranta.
Ang dami niyang iniuutos. Naisip ko tuloy, kung tutulungan ko siya, at makaligtas siya, baka pagalitan lang niya ako. Pagalitan dahil hindi ko siya sinunod. Pagalitan dahil wala akong kwenta. At paluin ng walis.

Mas mabuti na nga sigurong tuluyan na siyang masunog, para hindi na niya ako pagalitan…

… at paluin ng walis.

kinuha ko ang walis at isinamang masunog ang walis. Narinig ko siyang minumura ako. Napakawalang utang na loob ko daw. Putang ina ko daw.

Oo Mama…

at naupo ako sa isang tabi, at lumuluhang may tuwa sa dibdib.

Kahit kailan, wala nang magsasabing…

Putang-ina ko.

… thanks, you have made me believe things this way…

Comments No Comments »

Subok lang

My Filipino version—->

Muli, ang tanghalan ay natapos
gayundin, liwanag ay nauupos
Hayaan mo silang mawala,
kailan ma’y sa kanila di ako makikiisa

Kung ating mamasdan,
Naabot na ang katapusan.
Gayunman, mas nahihigitan
Ang isang araw ng tanghalan

Ito ang ating nais,
Hayaan ang alaala
Gayahin ang mga bidang itinanghal.
Hindi ko na alam
Kung ang ako o ang pagtatanghal
Ang aking nasasabuhay
Hindi man nararapat ngunit nasasadya

Payapa akong namumuhay sa init ng iyong palad
Kahit pa tapos na ang pagtatanghal

Nasasapat ka na sa init
Dulot ng alay kong akbay
Ang lamig ay nakasanayan (napipigil ng hatid mong ngiti)

Sana’y masaya ka
Sa plinano kong wakas
At kung pano ko babaguhin ang buong pangyayari
At aking ipahahayag
Ang iyong pagtakda
Nang sa bumilis ang pagkakataong
Makapagtapat ako

Payapa akong namumuhay sa init ng iyong palad
Kahit pa tapos na ang pagtatanghal

Pahintulutan sanang manatili
Sa iyong bisig
Nang tuluyang ang pagsinta ay magliwanag

Dapat pa bang manatili
Sa iyong kanlungan
Habang ang pangarap ay sinasakatuparan

Nararapat bang manatiling luksa
Nararapat pa bang makinig sa iyong luha
Nararapat bang punan ang iyong pahina
Na nag aakda sa mga lihim
Na nais mong aking itagong may taimtim.

Habangbuhay ko pang sasamahan ka
Itulad ang iyong buhay sa tanghal ng lungkot at saya
Habangbuhay sasagot sa katanungang laksa
At Habangbuhay sa tabi mo, ililihim ang pagsinta.

if you want to check the difference:

———+—+———-

The movie is done once more
The mood sets in with lights
Let’s wait for them to leave
I was never one for crowds

I look down on the floor
Everything’s undone
Yet we’ve been so much more
Than a full length feature

We long for escape
Let this memory take shape
For the heroes we often see
I don’t know if it’s me
Or the movies we’ve seen
I don’t remember
As well as i should

I stay so silent with your arms adjacent
And credits may soon roll away

You have my jacket on
Comfort in my warmth
I’m used to the cold(i’m used to the cold)

And i hope you’d agree
How this story should be
How i wish i could change the scenes
I’d write on the next page
An early coming of age
For me to tell you
As well as i could

I stay so silent
With your arms adjacent
And credits may soon roll away
Could i stay so silent with
Your arms adjacent
The vagueness may soon come to light

Should i stay so silent with your arms adjacent
As i play my part in my show

Forever shall i be the ill-fated type
Forever must i be the one you confide to
Forever must i be the pages you need
For you to write all your secrets that
You hope i would keep

Forever must i drive you home late at night
After watching these films that seems to imitate life
Forever must i be the opinion you seek
Forever will i be the friend that you would keep

———————————

Comment!!!

Comments No Comments »

Bakit may mga tanong na sadyang kay hirap masagot?
dahil ba masakit ang ipaalam ang katotohanan,
o dahil mas mahirap itangging masakit ang katotohanan.

Bakit may mga tanong na sadyang hindi itinatanong?
Dahil ba inaalala mong alam mo na ang sagot.
O dahil nag aalala kang tama ang iniisip mong sagot.

Bakit may mga tanong na sadyang iniiwasan?
Dahil ba natatakot kang magkamali ng sagot,
O dahil inaalala mong hindi ka karapat dapat
bagamat nalalaman mo ang tamang sagot.

Bakit may mga tanong na walang tamang sagot?
Dahil ba anumang isagot ay kayang kaya mong tanggapin,
O dahil umaasa kang hindi magkakamali ang taong iyong tinatanong.

Bakit may mga tanong na hindi na kailangang itanong?
Dahil ba ang lahat ay nalalaman na ang sagot,
O dahil natatakot kang ipaalam na hindi mo nalalaman ang kasagutan, di kagaya ng nakararami.

At higit sa lahat,

Bakit kinakailangan mong magtanong?

… dahil ba nais mong malaman ang kasagutan?

… O dahil,

… Nagdududa ka sa kanyang ipinakikita at iyong nauunawaang kasagutan?

———————————————————————————–
.Kapag minsan kong sinambit sayong minamahal kita.
.Wag kang muling magtatanong.
.Dahil nakokomportable akong sabihin ito sa iyo.
.At hayaang tanging ang alaala mo.
.At ang mga galaw ko.
.Ang magpaalala sa iyo.
.Na totoo ang aking minsan nang nasambit.
———————————————————————————— Holdinghands_1

Comments No Comments »