Pa.
Alam ko hindi mo ito mababasa. Pero gusto ko sanang sabihin sayo. Nalulungkot ako para sa’yo. Nalulungkot ako dahil nalalaman ko ang iyong mga lihim.
Patungkol sa kung gaano ka ka-hindi masaya sa sitwasyon natin.
Patungkol sa kung paanong hindi na ikaw ang nagtataguyod sa amin.
At sa kung paanong wala ka nang maitulong ating pamilya kundi sa isang maliit na paraan na lamang.
Nalulungkot ako sa kuwento mo kung paanong ang tatlong kilo ng bakal na nakakalat sa bahay ay nakapagpasapat sa araw ng ating pamilya.
Nalulungkot ako sa mga kuwento mo, kung saan kumita si mama dahil sa maliit niyang negosyo. At kung paano mo siyang ipinagdrayb.
Nalulungkot ako sa kuwento mo, kung paanong nakatulong ang tatatlong libong kinita ko para sa kinsenas na ito.
Nalulungkot ako sa mata mo.
Dahil naandun, nakapiit ang pagnanasang maitaguyod ang minanamahal mong pamilya. Dahil napapaso ako sa init ng hilakbo ng damdamin mo sa pagtitig sa akin. Ako na hindi mo na naipagpatuloy pang pag aralin. Nanduon nakaupo ang luhang tigang sa pagpatak. Nakayakap siya sa gilid ng iyong mata, na tila ayaw lumabas. Ayaw lumabas dahil hindi kailangan. Ang kailangang lumabas ay mga ideya kung paano mo kami bubuhayin.
Nabalitaan ko ang kaso mo. Patungkol sa isang nakaraang hindi mo naman kasalanan. At alam kong apatnapunglibo ang katapat nito.
Ang naiialay ko’y tatatlong libuhin lamang.
Si Mama’y nasasapat sa paisaisang libo sa isang linggo.
Si ate ay nangagkusang magbitaw tulong na panilbi sana sa kanyang nagsisimulang pamilya.
Ang apatnapung libo ay bundok apong imposibleng maakyat, pero kailangan.
Dahil kailangan mong bayaran ang kasalanan mo. kasalanan mo na kung saan pinagbigyan mo ang isang kahilingan. Kahilingang ang alam mo ay para lamang maging masaya ang anak mo at mga kaibigan niya. At iyon ay halagang apatnapung libo.
Alam kong naniniwala kang hindi mo kaya. Pero sila, hindi. Dahil magaling kang nakikipaglaro sa iyong mga apo’t bunsong masuwerte ngayon at araw araw mong maaring kalaruin.
Ako, hindi. Dahil madalas kitang nahuhuling nagkukutingting ng maliliit na bagay, na maaring makabawas sa apatnapung libo.
Dahil nahuli kitang itinabi ang kakaunting kita sa bangko. Sa pag asang maitatago mo ito.
Dahil nahuhuli kitang nangangarap na mapagtapos kami at mkapag trabaho ng mas maganda.
Dahil nahuhuli kitang sinisisi ang mga pagkakamali ng nakatatanda kong kapatid sa pagdagdag sa kabigatan ng iyong kalooban.
Dahil nahuhuli kitang nalulungkot sa kung paanong hindi na ikaw ang nagtatrabaho.
Inaamin mong mahina ka. Pero hindi sa harap nila. Kundi sa kubli ng iyong dibdib. Dibdib na isang dantayan ni Mama ngayon. Na dapat ay mas matatag ngayon. At hindi lumuluha.
Huwag kang mag alala.
Kung hindi ko man kayaning ipagtaguyod ang pamilya natin ngayon. Gagawa naman ako ng paraan, para muli mong maibalik ang tiwala mo sa sarili.
Susubukin ko namang ipakita sa iyo,
Kung paano mo ako pinalaki ngayon.