Hindi ko maalala kung kelan ko huling sinabing maayos lang ako.
At hindi ako umaasa na masasabi ko pa ulit iyon.
Sa ngayon naka upo ako sa ulap.
Mababang ulap.
Hinihintay kong umulan….
Nang sa gayon,
Maramdaman ko ulit kung paano maging bata.
==================
Bl.ite
Kamusta?
Naaalala mo ba ako?
Ako yung anak mo. Anak mong mas piniling maging kaibigan mo.
Hindi dahil galit ako sa iyo. Hindi din dahil ayaw ko sa’yo.
Nakatago lang talaga sa akin ang dahilan na hindi ko kayang bitawan ang kasalanan ko.
Ang kasalanan kong kalimutang si Adan ay para kay Eba, at si Eba kay Adan.
At sa ganung rason, nahihiya akong ipaalala sa mundo na anak mo ako.
Kahit lahat ng anak mo ay mas makasalanan pa sa akin.
Hindi ako nararapat maging anak mo. Kaibigan pwede pa.
Alam ko noon, tinakwil kita.
Hinamon.
Umiyak sa harap mo at nagsumpang kung kakalimutan mo na ako, kalimutan mo na ako ngayon. Kung papabayaan mo na ako, pabayaan mo na ako.
Pero ngayon, nandito na naman ako. Mas masarap ka siguro talagang maging ama kaysa maging kaibigan. Pero hindi ko pa talaga kayang maging anak mo. Masyado kang seloso para hayaan akong ni ipasok sa isip ko si Satanas. Na sa mga kataga mong, kung hindi ako ayon sa iyo, gayo’y ako’y salungat sa iyo. Hindi ko sinusunod ang utos mo. O ang gusto mo. O ang nais mo. Ang alam mong nararapat para sa akin, at para sa sangkatauhan.
Naghahanap lang ako ng hahawak sa kamay ko. Sasabihing hindi masama magkaroon ng kasalanan. Hindi masama dahil tao lang ako. Gusto ko lang marinig na normal lang ang sitwasyon ko. Na hindi ako nag iisa. Na kayang ngumiti ng mga katulad ko.
Hindi ko na kailangang iligtas mo pa ako mula sa pinagsusunugan ng kaluluwa kong dagat dagatang apoy. Ang kailangan ko ay iyong magpapapayapa sa kaluluwa ko at sasabihing makasalanan ka, Oo, pero may karapatan ka pa ring biyayayaan.
Nagmamamakaawa ako sa iyo. Kaibiganin mo ako, at ipaalala mo sa akin na hindi ka makasarili. Na ginawa mo ang tao hindi dahil kailangan mo ng magmamahal sa iyo. Na ginawa mo ang tao para may magkalinga sa iba pang ginawa mo, lalong lalo na sa kapwa nila tao.
Nagmamakaawa ako, huwag mo akong patawarin, kundi patawanin.
Gusto kong sumaya nang limang minuto sa buhay ko na ang dahilan ay nginitian mo ako.
Parang awa mo na, salingan mo ako ng biyayang natatamasa ng mga anak mo. Kaibiganin mo ako.
HUWAG MO AKONG AWAYIN.
================
Wh.ack
Simangot ang sinukli ng ngitian ko ang altar
Kaya lumaban ako ng sapakan
At inaway ang santo
Kinuha ang tambo at winalis ang inalay na rosas
Ipinilit sa rosaryo
na ubos na ang misteryo
Kinagat ang bawat butil
ng dasal at panaghoy
Minano manong matupad ang sagot
Kahit pa dumugo ng tubig ang palad.
Sa loob ng tatlong buwan pinayagan ako ni kamatayan
Hinalikan ako sa labi
at pinainom ang anino ng kanyang liwanag
Masaya ako sa bisig niyang
kinalimutan ang umaga
Sumayaw sa patayan
at batuhan ng nagbabagang
bituwin, bulalakaw at buwan.
Hanggang sa huli
Napagtanto ko
Kung anong isusukli ko
Sa lahat ng tawanan
at lasingang regalo niya
Ang kataga niya’y huwag na
at hindi niya kailangan ng sukli
At tinuloy ko ang kantahan
at sayawan ni Satanas
Nag imbita pa ng mga birhen
at sanggol sa kasiyahan
Sa aking pagsasaya
Di ko alintana
Ang piging ay tapos na
Nagliligpit
Ang mga demonyo at aswang
ng pinaghapagan
At doon ko nakita
Ang mumo
ng dati kong buong
kaluluwa at pag asa
At naiwan akong
Naglalakad sa pinagpigingan
Na walang natitira
Kundi abo at putik na humihinga.
=======================
Entries (RSS)