Walang malay ang luntian
Na darating na si itim.
Kahit ang ulap ay walang malay
na mamamatay na siya nang taimtim.

Mula sa kadiliman ng pekeng araw
Umuulan ng liwanag
At bumubuhos ang kalokohan.

Ni hindi nasalo ni asul
ang babala ni pula
kaya nagising si luntiang
kinakain ni itim.

Sa himlayan niyang pakuan
ay komportable siyang nahiga
Sinisimot ang kasinungalingang
malambot ang kakahuyang papag

Ngayon si luntian ay nangagsusuot ng rosas
Hinahanap ang ngiti sa iyak niyang namumuti
Itinatago ng damit ang balat niyang mapagluksa
Nagpaplano ng pagbulong sa sumisigaw niyang kalituhan.

Inihahalakhak ang kamatayang nadarama
binubuhay ng sakit ang natitirang hininga
Sinisinungalingan ang sarili
ng mga katagang masaya
at tinatapos ang araw
gamit ang silahis ng buwan.

Babala.
Hindi totoo ang mga bahaghari
kahit umulan pa
ng walang tigil ang ngiti

Leave a Reply